Humarap kanina si Senador Juan Ponce Enrile sa pagdinig ng Quezon City RTC Branch 76 sa damage suit na isinampa ng mga retiradong abogado ng Public Attorney’s Office laban sa Department of Budget and Management.
May kinalaman ito sa benepisyo ng mga PAO retiree na hindi ibinibigay ng DBM dahil sa magkaibang interpretasyon sa PAO law o ang Republic Act 9406.
Tumestigo si Senador Enrile bilang pangunahing may akda ng naturang batas at sinabing pantay lamang ang dapat na matanggap na benepisyo ng mga PAO lawyer at prosecutor ng DOJ.
Taliwas ito sa opinyon ng DBM na walang sinasabi sa PAO law na dapat pantay ang benepisyong matatanggap ng mga piskal at abogado ng PAO.
Ngunit ayon kay Enrile, hindi dapat bigyang pakahulugan ang isang batas sa paraang lalabag ito sa mga prinsipyo ng konstitusyon gaya na lamang ng equal protection.
Ikinatuwa naman ni PAO Chief Atty. Persida Acosta ang pagtestigo ng senador dahil nabigyang linaw ang intensyon ng PAO law.
Sa kanilang petisyon sa korte, hinihiling ng mga retiradong abogado ng PAO na pagbayarin ng danyos ang DBM sa pagharang sa kanilang benepisyo.
Una namang sinabi ng DBM na ibibigay nila ang lahat ng benepisyo oras na paboran ito ng Department of Justice.
Ngunit ayon kay Enrile, ang husgado na ang dapat magpasya sa naturang isyu.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: damage suit, DBM, PAO retirees, Sen. Juan Ponce Enrile