Sen. Jinggoy Estrada, pinayagan ng Sandiganbayan na lumabas ng detention center para magpa-medical exam

by dennis | April 1, 2015 (Wednesday) | 1510

JINGGOY ESTRADA 031615

Pinagbigyan ng Sandiganbayan 5th division ang hiling ni Sen. Jinggoy Estrada na sumailalim sa clinical examination sa Cardinal Santos Medical Hospital.

Sa resolusyon na ipinalabas ng anti-graft court, pinahihintulutan nilang lumabas ang senador mula sa PNP Custodial Center mula mamayang 3:00 ng hapon hanggang 6:00 ng gabi.

Nagbigay ng direktiba ang korte kay PNP Deputy Director Leonardo Espina na bigyan ng police escort ang senador, at tanging sa lugar na pinahintulutan ng korte lamang ito pupunta.

Ipinagbawal din ng Sandiganbayan na mapaunlak ng media interview si Estrada at ipinaalala dito na sagot ng senador ang lahat ng gastusin ng kanyang pagpunta sa ospital.

Ipinagutos din ng korte na magpasa ang senador ng medical certificate sa loob ng limang araw bilang patunay sa sumailaim nga ito sa clinical examination.

Lunes nang maghain ng mosyon ang senador dahil sa umanoy lumalalang sakit sa kanyang kaliwang balikat.(Joyce Balancio/UNTV Correspondent)

Tags: , , , , ,