Sen. Grace Poe, naghain na ng motion for reconsideration sa pagdiskwalipika sa kaniya ng Comelec 1st Division

by Radyo La Verdad | December 17, 2015 (Thursday) | 7261

ATTY-GEORGE
Baliktarin ang desisyon ng 1st Division.

Ito ang hiling ni Senator Grace Poe sa Comelec en Banc sa isinumiteng motion for reconsideration ngayong myerkules.

Ayon sa kaniyang abugado hindi dapat binalewala ng Comelec ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal na nagsasabing kwalipikado si Poe sa pagtakbo.

Sa isyu naman ng residency, sinabi ng abugado ni Poe na hindi rin binigyang pansin ang kanilang mga iprenisintang ebidensya.

Ayon kay Attorney George Garcia, abogado ni Senador Poe naging maluwag din ang 1st Division sa pagtrato sa petisyon ni dating Senador Kit Tatad laban kay Poe.

Hihilingin din ng kampo ni Poe sa Comelec na i-consolidate na lamang ang dalawang motion for reconsideration ni Poe tungkol sa naging desisyon ng 1st and 2nd Division ng Comelec.

Tinutulan naman itong mga abugado ng kabilang partido.

Umaasa ang kampo ni Poe na agad mareresolba ang mga petisyon laban sa kandidatura sa pagkapangulo ng senadora dahil nakakaapekto na rin ito sa suportang kanyang nakukuha at dapat pang makuha.

Hindi rin umano mailatag ni Poe ng maayos ang kaniyang mga plataporma sa publiko dahil kailangang sagutin ang isyu na siya ay hindi na kandidato.

Samantala muling nagpulong ngayong myerkules ang mga miyembro ng Comelec en Banc upang pag usapan ang motion for reconsideration ni Poe kaugnay ng naging desisyon ng 2nd Division.

Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, bagamat karamihan sa mga commissioner ay bumoto kontra kay Poe hindi ito nangangahulugan na otomatikong ganun din ang magiging desisyon ng En banc.

(Victor Cosare/UNTV News)

Tags: , , ,