Sen.Chiz Escudero at Cong.Leni Robredo nagharap sa Vice Presidential Forum

by Radyo La Verdad | December 1, 2015 (Tuesday) | 2331

JOYCE_FORUM
Limang kandidato sa pagkabise-presidente ang inimbitahan para sa isang debate sa University of the Philippines Diliman kahapon pero tanging si Sen. Francis “Chiz” Escudero at Cong. Leni Robredo ang tumugon sa imbitasyon.

Sa loob ng mahigit dalawang oras, maraming mga katanungan ang sinagot ng dalawang kandidato mula sa mga youth leaders ng unibersidad.

Hindi naiwasan matanong ang dalawa tungkol sa kanilang mga katunggali sa darating na eleksyon.

Si Cong.Leni Robredo, hiningan ng pahayag sa disqualification case ni Sen.Grace Poe, ngunit tumanggi ito dahil kasalukuyan nang dinirinig ang kaso.

Nilinaw din ni Cong.Robredo ang umano’y pagkukumpara nito sa pamamahala ni Mayor Rodrigo Duterte sa Davao city at sa pamumuno ng kanyang pumanaw na asawa na si dating DILG Sec.Jessie Robredo sa Naga city.

Si Sen.Escudero naman nagpaliwanag kung bakit hindi na nito sinuportahan si Vice President Jejomar Binay gayong alam nang publikong isa siya sa mga nakatulong sa pagkapanalo ni Binay noong 2010 elections.

Sinagot din ng dalawang kandidato ang ilang isyu na kinakaharap ng bansa, katulad ng umano’y hindi pagiging handa ng bansa sa Asean integration.

Naniniwala ang mga kandidato na bagaman hindi pa handa ang Pilipinas para dito, kailangan hindi ito talikuran ng bansa at sa halip ay tignan bilang oportunidad para umangat pa ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sa kani-kanilang mga plataporma naman, sinabi ni Cong.Leni Robredo na isusulong nito ang pagpasa ng people empowerment bill, anty dynasty at ang freedom of information bill.

Habang si Sen.Chiz Escudero naman sinabing tututukan ang paglalaan ng pondo ng pamahalaan sa mga proyekto at pagsisigurong matutuloy ang kampanya kontra korupsyon.(Joyce Balancio/UNTV Correspondent)

Tags: , ,