METRO MANILA, Philippines – Inatasan na ng Department of Transportation ang lahat ng public utility vehicle operator na maglagay ng mga gamit pangkaligtasan sa lahat ng mga terminal ng sasakyan.
Iniutos ng DOTR na higpitan pa ang seguridad na ipinatutupad sa mga terminal matapos ang pagpapasabog sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng 21 tao at ikinasugat ng 97.
Kabilang sa mga dapat na maghigpit ng seguridad ang mga istasyon ng MRT, LRT, mga bus terminal, pantalan at mga airport kung saan nandoon ang bulto ng mga tao.
Matatandaan na noong taong 2000 nang mangyari ang tinaguriang Rizal Day bombing o ang pagpapasabog ng isang improvised explosive device (IED) sa loob ng isang bagon malapit sa LRT Blumentritt station. Sampu ang nasawi sa insidente at higit isang daan ang sugatan.
Samantala, naka-heightened alert status na rin ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa posibleng pagpasok ng mga foreign terrorist sa Pilipinas.
Sa pahayag na inilabas ng BI, sinabi ng ahensya na inalerto na nila ang lahat ng kanilang immigration officers sa mga pantalan at paliparan upang masiguro na hindi makapapasok sa bansa ang mga dayuhang terorista.
Kinakailangang pagbutihin ng mga immigration officer ang screening sa mga dayuhang pumapasok sa bansa, at dapat na siguraduhin na may kaukulang dokumento at ligal ang pagpasok ng mga ito sa bansa.
Nakipag-ugnayan na rin ang Bureau of Immigration sa mga international intelligence agency para sa kanilang mga database upang matukoy ang listahan ng mga pinaghihinalaang miyembro ng mga teroristang grupo.
(Joan Nano | UNTV News)