Seguridad sa mga terminal, pantalan at airport sa Zamboanga city, mas hinigpitan kaugnay ng nalalapit na APEC Summit

by Radyo La Verdad | November 10, 2015 (Tuesday) | 1732

DANTE_HINIGPITAN
Mas hinigpitan na ng Zamboanga City Police katuwang ang Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard ang ipinapatupad nitong seguridad kaugnay sa nalalapit na APEC Leaders Meeting sa susunod na linggo.

Ito ay upang maiwasan ang banta sa libu-libong dadalo ng gagawing pagtitipon.

Partikular na pinapaigting ng mga otoridad ang pagbabantay sa key areas sa lungsod tulad ng mga terminal, paliparan at pantalan.

Ayon kay Zamboanga City Police Office Director, Senior Superintendent Angelito Casimiro ito ay bilang pag-alinsunod na rin sa direktiba mula sa PNP Central Office na magkaroon ng ibayong pagbabantay sa mga nabanggit na lugar.

Aniya, maaring gawing pinaka-entry at exit point ang Zamboanga ng mga grupong na ibig maghasik ng karahasan sa luzon kasabay ng pinakamalaking pagtitipon ng mga matataas na lider ng mundo dito sa bansa.

Dagdag pa ni Casimiro na kabilang ang nasabing hakbang sa inorganisang security plan sa inaasahang APEC Summit.

Maaaring panggalingan ng mga teroristang grupo tulad ng Abu Sayyaf ang Basilan at Sulu na malapit lamang sa lungsod.

Ilang beses na ring ginawa ito ng Zamboanga PNP, tulad na lamang nang bumisita si US President Barack Obama sa bansa noong nakaraang taon.

Hiningi naman ng mga otoridad ang koordinasyon ng publiko upang mapigilan ang di magandang binabalak ng mga masasamang loob lalo nat nakasalalay dito ang karangalan ng bansa.(Dante Amento/UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,