Sec. Mark Villar, pina-iinspeksyon ang lahat ng mga imprastraktura ng DPWH

by Radyo La Verdad | November 19, 2018 (Monday) | 34223

Sa pagdaan ng Bagyong Rosita, natabunan ng gumuhong lupa ang ginagawang gusali ng Department of Public Works and Highways Engineering Office sa Natonin, Mt. Province.

Hindi bababa sa dalawampu ang nasawi kasama na ang ilang construction worker at mismong engineer ng ahensiya.

Kaya naman sa isang convention ng mga district engineers ng DPWH noong Sabado sa Baguio City, inatasan ni Sec. Mark Villar ang mga ito na inspeksyunin ang lahat ng mga imprastraktura ng kagawaran sa kanilang mga lugar.

Dapat aniyang makatiyak na hindi nakatayo ang mga ito sa mga hazardous area at kung may mga makikitang nakatayo sa mga mapanganib na lugar ay kailangan itong ilipat.

Para makatulong sa mabilis na pag-identify ng mga infrastracture na nasa hazardous area ay makikipag-ugnayan ang DPWH sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa updated na geohazard map.

Ayon kay Sec. Villar, papanagutin ang mga hindi susunod sa direktibang ito.

Nagbabala rin ang kalihim sa mga district engineer na pangalagaan ang integridad ng kagawaran dahil hindi palalampasin ang mga isyu ng katiwalian.

Kasunod ito ng napabalita ang pangingikil umano ng isang district engineer mula sa Ifugao sa isang contractor kapalit ng isang proyekto.

Kung mapapatunayan umanong nasangkot sa katiwalian ang naturang district engineer ay posibleng tuluyan itong sibakin sa pwesto at matanggalan ng mga benipisyo.

 

( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )

Tags: , ,