Aminado si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na hindi naipagbigay alam sa pamahalaan ng Kuwait ang ginawang rescue mission ng embahada ng Pilipinas sa ilang overseas Filipino workers (OWFs) doon.
Ang hakbang na ito ay nagdulot ng problema sa relasyon ng Pilipinas at Kuwait. Ilang beses ipinatawag ng Kuwait foreign ministry ang ambassador ng Pilipinas sa Kuwait para magpaliwanag.
Sa ilalim ng batas, kailangan munang makipag-ugnayan ang isang bansa sa mga otoridad ng Kuwait bago magsagawa ng rescue mission.
Dahil sa insidente, humingi ng paumanhin si Cayetano sa isinagawang rescue mission.
Pero ayon sa kalihim, isinagawa ang operasyon dahil nasa panganib na ang mga sinagip na Pilipinong manggagawa.
Para naman kay Muntinlupa Representative Ruffy Biazon, dapat nang pauwiin ng Pilipinas ang mga embassy official na responsable sa operasyon.
Katwiran ni Biazon, maari aniyang magdulot ito ng hindi magandang pagkakaunawaan ng Pilipinas at Kuwait.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: Kuwait, OFW, Sec. Cayetano