Sea Ambulance at school buildings, ipinagkaloob ng Korean Red Cross sa bayan ng Carles sa Iloilo

by Radyo La Verdad | April 12, 2016 (Tuesday) | 2040

VINCENT_BALIKATAN
Isang Sea Ambulance ang ipinagkaloob ng Korean Red Cross sa bayan ng Carles sa pamamagitan ng Philippine Red Cross o PRC upang makatulong sa rescue operations sa iba’t-ibang islang nasasakupan ng naturang bayan.

Sa isang pagtitipon sa Cawayan National High School, isinagawa ang turn over ceremony ng naturang sea ambulance sa lokal na pamahalaan ng Carles sa lalawigan ng Iloilo.

Ayon kay Gilber Valderrama ng PRC-IloIlo chapter, ang naturang Sea Ambulance ay nagkakahalaga ng 3 milyong piso at maaaring magamit hindi lamang para sa mga taga Carles kundi maging sa mga kalakip sa isla at bayan nito.

Kalakip nito, pormal ding ibinigay ng Korean Red Cross sa naturang bayan ang isang fully-equipped ambulance, classrooms, latrines at isang multi-purpose gym na maaaring maging evacuation center sakaling magkaroon ng kalamidad sa lugar.

Ikinatuwa naman ng mga residente ang mga naturang proyekto dahil malaki umano ang maitutulong hindi lamang sa panahon ng sakuna kundi maging sa edukasyon ng mga mag-aaral sa naturang bayan.

Matatandaan na isa ang bayan ng Carles sa mga matinding napinsala nang bagyong Yolanda sa Northern Iloilo.

Kaya naman ayon kay Myrna Castillo ng DepEd Carles, ang mga naturang proyekto ay nagbigay rin ng panibagong pag-asa lalo na sa mga mag-aaral.

Umaasa naman si Ho-Kwon Kang ng Korean Red Cross na hindi rito matitigil ang pakikipagtulungan sa pagitan ng dalawang grupo bagkus ay mapaunlad pa maging ang relasyon sa pagitan ng bansang Pilipinas at Korea.

(Vincent Arboleda / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,