Labing dalawang aplikante ang pinagpipilian para maging bagong miyembro ng Supreme Court (SC) kapalit ni Associate Justice Presbitero J. Velasco Jr. na magreretiro sa Agosto.
Kahapon sumalang na ang anim sa mga ito sa public interview ng Judicial and Bar Council (JBC).
Kabilang dito sina Court of Appeals Associate Justices Oscar Badelles, Manuel Barrios, Ramon Garcia, Amy Lazaro-Javier, Davao Regional Trial Court Judge Carlos Espero II at former Ateneo School of Law Dean Cesar Villanueva.
Samantala, ang anim sa kanila ay hindi na kailangan pang iharap sa mga panelist dahil valid pa rin ang kanilang interview noong nakaraang taon kabilang na si Supreme Court Administrator Midas Marquez.
Kabilang naman sa mga screening panelist ay sina Jose V. Mejia mula sa academe, Maria Milagros Fernan-Cayosa mula sa Integrated Bar of the Philippines at Ret. Justice Jose Mendoza at Ret. Judge Toribio Ilao Jr. mula naman sa private sector.
Ilan sa mga naitanong sa mga ito ay ang isyu sa indigenous people at ancestral domain, Bangsamoro Basic Law at pederalismo.
Ang nag-iisang babae sa mga ininterview na aplikante na si Court of Appeals Associate Justice Amy Lazaro-Javier, ipinagtanggol si Pangulong Rodrigo Duterte at sinabing hindi ito kaaway ng mga kababaihan.
Ang isa naman sa mga aplikante mula sa Davao City na si Judge Carlos Espero II, sinabing hindi siya naniniwalang nakikialam si Pangulong Duterte sa proseso sa hudikatura.
Matatandaang inakusahan ni dating Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno si Pangulong Duterte na siyang dahilan kung bakit siya naalis sa pwesto.
( JL Asayo / UNTV Correspondent )
Tags: JBC, SC justice aspirants, Supreme Court