Sariling broadband network sagot sa mabilis at mas murang internet sa Pilipinas – DICT

by Erika Endraca | October 14, 2020 (Wednesday) | 5694

METRO MANILA – Matagal nang problema sa Pilipinas ang mabagal na internet connection.

Sinasabing ang kakulangan at pahirapang pagpapatayo ng cell towers ang pangunahing problema kung bakit napakabagal ng internet sa Pilipinas di tulad sa ibang mga bansa.

Pero sa pagdinig ng panukalang budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa senado para sa taong 2021.

Ipinaliwanag ng DICT sa mga mambabatas na nakasalalay sana ang mabilis at murang internet connection kung may sariling broadband network ang gobyerno.

Dito sa Pilipinas ang mga telecommunication companies ang siyang nagpapatayo ng cell towers at imprastraktura para makapag-suplay ng internet connection sa mga subscriber o customer.

“All the telcos ay nagle-lease lang po from the national government. That is the model that is being used in other countries kaya po medyo maganda ang service nila. Wala po silang problema sa right of way at wala rin po silang problema sa mga permits because it is the national government that is doing all of that.” ani National Telecommunications Commission Commissioner Gamaliel Cordoba.

Sa ilalim ng proposed 2021 budget ng DICT nasa P902-M lamang ang alokasyon na ibinigay ng Development Budget Coordination Committee ng Department of Budget and Management.

Lubhang maliit ito kung ikukumpara sa pondong inilalaan ng ibang mga bansa sa kanilang national brodband program.

Kaya naman humihiling ng dagdag na P18-B sa kongreso ang DICT para maisulong at mapaunlad ang national brodband program ng Pilipinas.

Ito’y sa pamamagitan ng paglalatag ng mga fiber optic cable at iba pang wireless technology.

“Kung gagawa po tayo ng fiber backbone – first mile, middle mile – doon tutuhog ang mga tore ng mga telco. So hindi lang dadami—mumura… kaya po mahal (ang internet) kasi ang mahal po iyong paglatag pa po ng fiber kung saan magkakaroon ng tore. So kung ang government po ang maglalatag ng fiber so ang smart, globe, dito, doon na lang sila kakabit sa ating mga fiber. Tapos doon din sila magdi-distribute to the residential. We do not wish to compete with the private sector market.”ani DICT Asec. Emmanuel Rey Caintic.

Bukod sa NBP, umaapela rin ang DICT na madagdagan ng mahigit sa 3-B ang pondo para sa free wifi program upang mabigyan naman access sa internet ang iba pang malalayong lugar na wala pa ring signal.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,