Alas singko tres ng hapon kahapon nang pagbabarilin ng riding in tandem si Sapa-Sapa, Tawi-Tawi Vice Mayor Alrasid Mohammad Ali sa Governor Alvarez Street, Barangay Zone 3, Zamboanga City. Naisugod pa ang biktima sa Zamboanga Doctors Hospital ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, galing sa isang meeting ang bise alkalde kasama ang kaniyang asawa, isang anak at isang police escort. Pauwi na ang mga ito sakay ng kanilang sasakyan ngunit nang tumigil ang mga ito sa isang intersection ay saka binaril ang alcalde.
Tatlong bala ang tumama sa dibdib ng biktima na dahilan umano nang agaran nitong pagkasawi. Narecover ng mga otoridad ang apat na basyo ng pinaniniwalaang kalibre quarentay singko na baril sa crime scene. Ligtas naman ang pamilya at iba pang kasama sa sasakyan ng vice mayor.
Dagdag pa ng PNP na marami umanong threat natatanggap ang opisyal.
Ayon sa Zamboanga City Police Office, wala rin silang impormasyon na involve sa katiwalian tulad ng droga ang biktima. Inaasahang tatakbo ito sa pagka-alkalde sa darating na 2019 midterm election.
Samantala, tumanggi naman na humarap at magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.
Ito na ang pangalawang beses na may binaril na lokal na opisyal sa lungsod ngayong buwan. Noong ika-7 ng Hulyo ay patay rin sa pamamaril ang isang bagong halal na konsehal sa lungsod.
( Dante Amento / UNTV Correspondent )
Tags: patay, Vice Mayor Alrasid Mohammad Ali, Zamboanga city