Manila, Philippines – Ipinag-utos ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang pagbubuo ng isang fact-finding committee para sa masusing pagsisiyasat ng sanhi ng aksidente sa pagitan ng dalawang bagon ng Lrt line 2 noong Sabado ng gabi.
Sa pahayag ng lrta, bigla umanong umandar ang isang tren na nakahimpil sa isang pocket track sa pagitan ng Anonas at Cubao station at pumasok sa main track.
Na-monitor umano ito ng control center ng lrt2 at binigyan ng hudyat ang bumabyaheng tren na papalapit sa dapat ay naka-himpil na bagon. Sinubukan ng bumabyaheng tren na mag-full stop ngunit nabangga pa rin nito ang bagon.
“For unknown reason, which is still the subject of further investigation through a fact-finding which is being instructed by the administrator, gumalaw ‘yung supposedly na sira na tren.” ani Finance Undersecretary, Garry De Guzman.
Nasugatan ang 30 pasahero at 4 na tauhan ng lrt2. Agad ring nakauwi ang mga nasugatan maliban sa limang pasaherong nananatili sa mga kalapit na ospital.
Pansamantalang itinigil ang operasyon ng lrt2 para magsagawa ng clearing operations at safety check. 12:13 ng tanghali ng Linggo o kahapon ng bumalik sa normal ang operasyon ng tren.
Tiniyak naman ng lrta at Department of Transportation (DOTr) na ginagawa nito ang lahat ng paraan upang hindi na maulit ang insidente. Nananatili anilang ligtas na transportasyon ang lrt l2 at solated case lang ang nangyaring aksidente.
“Kung mababawasan ho ‘yung mga tumatakbong lrt, natural may epekto ho ‘yan. Pero sa ganyang management, titingnan ho lahat ‘yan para nang sa ganoon, yung epekto sa operasyon ay hindi unnecessarily wide and deep.” ani Department of Transportation Secretary, Arthur Tugade
Inaasahan na maglalabas ng pahayag ang lrta matapos ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa insidente.
(Asher Cadapan Jr. Live)