Sa layong matulungan at maturuan ang mga magsasaka ng palay ng mga makabagong teknolohiya at pamamaraan sa pagpaparami ng ani at pagpapalaki ng kita, planong magtayo ng pamahalaan ng mga rice school sa mga rice producing provinces kagaya ng Samar at Leyte.
Ayon kay Senator Cynthia Villar, chairperson ng senate Committee on Agriculture and Food, dahil natapos na umano noong Hulyo 2017 ang prebelehiyong ibinigay ng World Trade Oragization na quantitative restriction on rice importation.
Kinakailangang maging competitive at matuto ng mechanization ang mga rice farmers ng bansa upang makasabay sa ASEAN na may mura at mataas na kalidad ng bigas.
Sa ngayon ay nasa 12 piso kada kilo ang production o labor cost ng Philippine rice samantalang nasa anim na piso lamang ang sa Vietnam at nasa 9 piso ang sa India at Thailand.
Aniya, upang maprotektahan ang kapakanan ng mga magsasaka ng palay, magkakaroon ng rice competitiveness enhancement fund.
Manggagaling umano ang sampung bilyong pisong pondong ibibigay dito kada taon sa General Appropriations Act.
Samantala, hinihikayat din ng senadora ang mga magsasaka na pag-aralan ang pagpapatubo ng kanilang mga binhing itatanim. Sa pamamagitan nito ay tataas umano ng limampung porsiyento ang maiproproduce na bigas ng mga ito.
( Archyl Egano / UNTV Correspondent )
Tags: Asean, Rice schools, Senator Cynthia Villar