Tutol ang mga makakaliwang grupo sa isinusulong na revolutionary government sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte. Peke umano ito at taliwas ang ginagawa ng kasalukuyang administrasyon sa mga adhikain ng mga tunay na rebolusyonaryo.
Ayon kay Kilusang Mayo Uno Chairperson Elmer Labog, labingwalong lider-manggagawa na napapatay sa ilalim ni Duterte, bagay na hindi aniya gagawin ng mga tunay na rebolusyonaryo. Paraan din lamang aniya ang sinasabing revolutionary government upang mailuklok si Duterte bilang diktador.
Ayon pa kay Labog, may pagkakahawig na ang istilo ni Duterte kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Naniniwala naman si dating Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo na hindi solusyon ang revolutionary government sa mga problemang hinaharap ng bansa gaya ng kahirapan.
Kasabay ng paggunita sa kaarawan ni Bonifacio kahapon, nanawagan ang mga makakaliwang grupo na paigtingin ang pagtutol sa anila’y nagbabadyang diktadura ni Duterte.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )