Iniulat ngayon ng Department of Health na naging mababa ang resulta ng school-based immunization program para sa lahat ng grade 1 at grade 7 students sa lahat ng mga pampublikong eskwelahan sa bansa.
Ang school based immunization program ay inilunsad ng kagawaran noong nakaraang August 3, 2015 at nakatakda sanang matapos ngayong buwan.
Sa kasalukuyan ay nasa ikatlong linggo na ang ginagawang pagbabakuna ng DOH sa mga bata laban sa measles-rubella at tetanus-diptheria.
Ngunit ayon sa kagawaran, nananatiling mababa ang bilang ng mga batang nababakunahan hanggang sa ngayon.
Sa iprinisintang datos kanina ng DOH, as of third week of August mula sa mahigit dalawang milyong mga enrollee sa grade 1, umaabot pa lamang sa halos dalawang daang libong bata o katumbas ng eight percent ang nababakunahan ng measles-rubella.
Habang umaabot pa lamang sa 10 % ng kabuoang bilang ng mga enrolee sa grade seven ang nabigyan na ng naturang bakuna.
Nasa 11 % naman ng mga bata sa grade 1 ang nabakunahan na ng anti tetano-diptheria at 10 % lamang o katumbas ng 191,735 na mag-aaral sa grade 7 sa buong bansa ang nabigyan nito.
Dahil dito, pinag-aaralan ngayon ng DOH na i-extend pa ang immunization program hanggang sa susunod na buwan upang maabot ang kabuoang target ng programa.
Sa Septmeber 15 pa sana sisimulan ng DOH ang pagsasagawa ng school-based immunization program dito sa National Capital Region
Ngunit dahil sa pangamba na hindi maabot ang target na bilang ng mga mag-aaral na dapat na mabakunahan ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na ng DOH, DepEd at DILG ang mas maagang pagpapatupad ng programa.
Bago isinasagawa ang pagbabakuna sa mga estudyante ay kinakailangang makuha muna ng DOH ang parents consent ng mga bata.
Naniniwala si Health Secretary Janet Garin na malaki ang naging epekto ng balitang may mga batang na-ospital sa Zamboanga kamakailan matapos na sumailalim sa deworming.
Ayon sa DOH, hindi dapat mangamba ang magulang dahil walang masamang epekto ang kanilang ibinibigay na bakuna sa mga bata.
Tiniyak din ng kagawaran na ang mga gamot na kanilang binibili ay umabot pa ng hanggang sa 18-24 months bago ang expiration date, kaya’t siguradong ligtas pa itong gamitin.
Aprubado rin ng World Health Organization ang lahat ng mga bakunang ginagamit ng a, at pawang mga well-trained health worker lamang ang maaring mag-inject nito.
Nanawagan naman si Secretary Garin sa mga magulang ng suportahan ang kanilang programa at walang dapat na ipangamba dahil ligtas ang mga bakuna na kanilang ibinibigay sa mga bata.(Joan Nano / UNTV News)
Tags: Health Secretary Janet Garin, World Health Organization