Resolusyon ng hiling sa Pangulo na payagan ang PNP na tumulong sa anti-illegal drugs operation, ipinasa ng lokal na pamahalaan ng Quezon City

by Radyo La Verdad | October 26, 2017 (Thursday) | 3672

Dadalhin ngayong linggo ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa Malacañang ang resolusyon na inaprubahan ng City Council upang hilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan ang PNP na tumulong sa anti-illegal drugs operation ng PDEA.

Ayon sa mga barangay captain, napansin nila ang pagtaas ng bilang ng mga drug users sa sandaling panahon na nailipat sa PDEA ang anti-drugs operation.

Sa buong Quezon City, siyam lamang ang naka assign na PDEA agents kumpara sa mahigit limang libong pulis sa lungsod. Pangamba ng lokal na pamahalaan na lumala ang problema sa iligal na droga sa kanilang mga lugar.

Sa ngayon, labing siyam na barangay ang idineklarang drug free sa Quezon City subalit mawawalan umano ito ng kabuluhan kung hindi masusuportahan ang kapanya kontra sa iligal na droga.

Ayon naman sa PDEA, malaking tulong sa kanila kung papayag ang Pangulo sa kahilingan ng lokal na pamahalaan.

Nakahanda naman ang PNP kung sakaling pumayag ang Pangulo na makatulong sila sa laban kontra iligal na droga.

Habang naghihintay ng tugon ang lungsod ng Quezon sa kanilang hiling kay Pangulong Duterte, nanawagan ang pamunuan ng lungsod sa publiko na tulungan sila sa pamamagitan ng pagrereport sa kinauukulan ng mga krimen na may kinalaman sa iligal na droga.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,