Rescue operation sa mga OFW sa mga mapanganib na lugar sa Israel, inihahanda na ng PH Embassy

by Erika Endraca | May 17, 2021 (Monday) | 9371

METRO MANILA – Inihahanda na ng embahada ng Pilipinas ang isasagawang rescue operation sa mga Pilipinong nakatira sa mga mapanganib na lugar sa Israel.

Nasa 300 Pilipino ang nasa Ashkelon at Ashdod na mga lugar sa Israel na itinuturing na mapanganib dahil mas malapit ito sa Gaza na pinanggagalingan ng mga rocket.

Ayon kay Philippine Labor Attaché to Israel Rudy Gabasan, nasa 100 na ang nagpahayag na nais lumikas at makalipat sa mas ligtas na lugar.

“Pero sa kasalukuyang kundisyon, hindi pa po puwede kasi mainit parin yung pagpasok ng mga rockets doon sa cities of Ashkelon and Ashdod” ani Philippine Labor Attaché to Israel Rudy Gabasan.

Mayroon ding 10 Pilipinong kailangang ilikas na naninirahan sa Gaza na pinanggagalingan mismo ng mga racket papunta sa Israel. Ayon kay Gabasan, nakapag-asawa ang mga ito ng Palestinian sa lugar.

“Kung magkaroon ng ceast fire o kaya magkaroon ng truice, i-eextract po yung mga Pilipino doon sa loob ng Gaza. Pero yung mga Pilipino dito sa Israel precautionary measures palang tayo” ani Philippine Labor Attaché to Israel Rudy Gabasan.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, dati nang nakataas ang Alert level 1 sa Israel habang level 2 naman sa gGza.

Kapag tumaas ito sa level 3 ay magaalok na ng voluntary repatriation ang gobyerno ng Pilipinas sa mga OFW habang sa level 4 naman ay gagawin na ang obligadong paglilikas.

“As of now, alert level 1, wala pa pong ban for deployment. Pero pag nag raise po ng alert level 2 that’s the time na mag baban po tayo ng deployment for Israel” ani Philippine Labor Attaché to Israel Rudy Gabasan.

Dahil sa mga pagsabog ay nakararanas ngayon ng trauma ang mga OFW.

“Yung pumuputok ngayon eh tunay na makakamatay yun po yung trauma eh. At iisipin po natin yung caregivers natin hindi lang yung sarili nila iniisip nila pati yung mga employers nila kailangan din nilang ilikas yun” ani Philippine Labor Attaché to Israel Rudy Gabasan.

Ayon kay Gabasan, halos 30,000 ang mga OFW sa Israel kung saan ang 6,000 ay walang working visa.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,