Repatriation ng mga Pilipino na nasa Ukraine, nagpapatuloy

by Radyo La Verdad | February 25, 2022 (Friday) | 38752

METRO MANILA – Pangunahing prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa Ukraine.

Kasunod ito ng paglulunsad ng military operation ng Russian troops sa Ukraine araw ng Huwebes (February 24).

Kaya naman, nagpapatuloy ang libreng repatriation program ng Philippine government sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ayon kay Acting Presidential Spokesperson and Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Batay naman kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. , pumayag ang poland na makapasok sa kanilang bansa ang mga Pilipinong lilikas mula sa Ukraine kahit na walang visa.

Sa ngayon, 6 na Pinoy na mula sa Ukraine ang nakauwi na ng Pilipinas noong February 18.

Ayon kay DFA Undersecretary Sarah Arriola, may apat pang nakatakdang umalis ng Ukraine kung pahihintulutan ng sitwasyon at ngayong araw (February 25) nakatakda sanang dumating ng Pilipinas.

Samantala, pinayuhan naman ng DFA ang mga Pinoy sa Ukraine na wag mag-panic at bagkus, makipag-ugnayan sa Philippine Foreign Service para sa repatration at assistance.

Sa 380 Pinoy sa Ukraine, 181 ang tukoy ng Philippine Consulate ang kalagayan.

Karamihan sa kanila, nasa kapitolyo ng Ukraine, ang Kyiv.

Para naman sa mga kababayan sa Ukraine na nangangailangan ng repatration assistance, maaaring makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Poland sa pamamagitan ng email: warsaw.pe@dfa.gov.ph, emergency mobile number +48 604 357 396 at office mobile number +48 694 491 663.

Mananatili naman ang Philippine Foreign Service sa Ukraine hangga’t may Pinoy duon.

Nasa desisyon naman naman ni Secretary Locsin kung tataasan ang Alert Level 2 na ipinapatupad ng bansa sa Ukraine o kung magpapatupad ng mandatory evacuation ng mga kababayan doon.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , ,