Rep. John Bertiz, humingi ng paumanhin kaugnay ng kanyang viral video

by Radyo La Verdad | October 2, 2018 (Tuesday) | 4361

Hindi na dumipensa pa si ACTS-OFW Party-list Rep. John Bertiz matapos umani ng batikos sa mga netizen ang CCTV video nito habang kinukumpronta ang isang security personnel sa NAIA noong Sabado matapos umano siyang sitahin nito.

Humingi nalang ito ng paumanhin at handa aniyang harapin ang mga imbestigasyon isasagawa kaugnay dito.

Una nang sinabi ni House Minority Leader Danilo Suarez na plano nilang paimbestigahan ang insidente sa House Committee Ethics.

Ayon kay Bertiz, nakakatanggap na siya ng mga death threat dahil sa nangyari.

Itinaggi naman ni Bertiz na inalis na siya bilang kasapi ng ACTS-OFW Party. Peke aniya ang resolusyon na kumakalat ngayon sa social media na pirmado ng isang Feliciano Adorna.

Aniya, matagal nang tinanggal sa kanilang partido si Adorna matapos magpakilalang kongresista at nagso-solicit sa mga opisina ng pamahalaan.

Sa ngayon ay nahaharap na umano si Adorna sa kasong large scale estafa, usurpation of authority at misrepresentation.

Ayon kay Congressman Bertiz, natuto na siya sa nangyari at mas magiging mahaba na ang pasensya nito bilang isang public official.

Hiling lang niya, huwag na sanang idamay pa sa isyu ang kanyang pamilya.

Ipagpapatuloy pa rin umano niya ang kanyang trabaho na tulungan ang mga OFW.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,