Mismong si ACTS-OFW Party-list Rep. John Bertiz ang naghain ng resolusyon para imbestigahan ang video nito na ngayon ay naglabasan sa social media.
Kabilang na dito ang kumprontasyon nito sa isang personnel ng NAIA noong weekend; gayundin ang trending video nito sa Hong Kong.
Pero sa isinagawang imbestigasyon ng House Committee on Ethics and Privileges, hindi muna nila inimbitahan ang kongresista.
Ayon naman kay House Minority Leader Danilo Suarez, nakakatanggap na rin sila ng reklamo kay Bertiz mula sa mga kasamahan nito sa partido. Hindi rin umano nila kukunsintihin ang maling nagawa ng kanilang miyembro.
Kapag napatunayang lumabag si Bertiz sa code of conduct and ethical standards ng mga opiyal at empleyado ng gobyerno, maaari siyang patawan ng suspensyon o di kaya’y tuluyang maalis bilang kongresista.
Kasalukuyan namang nasa ospital si Congressman Bertiz dahil sa umano’y pananakit ng kaniyang dibdib.
Ayon kay Coop-Natco Party-list Rep. Athony Bravo, bago ang insidenteng ito, sumailalim na si Bertiz sa 5 heart surgery.
Sa text message na pinadala ni Cong. Bertiz, ilang araw na umano siyang hindi nakakatulog dahil sa insidente.
Patuloy din ang paghingi niya ng paumanhin sa nagawang pagkakamali.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )
Tags: Hong Kong, NAIA, Rep. John Bertiz