Regular na sahod para sa mga opisyal ng barangay, iginiit ni Sen. Escudero

by Radyo La Verdad | December 18, 2015 (Friday) | 2757

MERYLL_SEN.ESCUDERO
Umaasa si Sen. Francis “Chiz” Escudero na maipapasa rin ng Senado ang panukalang batas na gawing regular ang sahod ng mga opisyal ng mahigit 42,000 na barangay sa buong bansa sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na buwan.

Ito ay matapos aprubahan ng Mataas na Kapulungan ang panukalang-batas na binibigyang kapangyarihan sa mga punong barangay na mangasiwa ng panunumpa sa kahit sinong opisyal ng gobyerno, kabilang ang Presidente.

Ayon sa senador, ang pagsasabatas ng parehong panukala ay isang malaking hakbang para kilalanin ang malaking papel na ginagampanan ng mga opisyal ng barangay sa pagtataguyod ng bansa.

Ipinasa ng Senado sa huling pagbasa ang Senate Bill No. 2693 noong Disyembre 14. Sa ilalim ng panukala, binibigyang kapangyarihan ang mga punong barangay na mangasiwa ng panunumpa sa lahat ng opisyal ng gobyerno.

“Tama lang na bigyan natin ng pagkilala ang mga opisyal ng barangay kapalit ng kanilang sakripisyo na pagsilbihan tayo 24 oras, pitong araw sa isang linggo,” pahayag ni Escudero.

Layon ng SBN 124 na isinampa ni Escudero na amyendahan ang Section 393 ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code para pagkalooban ng buwanang sahod ang mga kapitan ng barangay ng mas mataas ng 20 porsyento sa minimum wage sa kanilang rehiyon.

Makatatanggap naman ang mga kagawad, ingat-yaman at kalihim ng barangay ng sahod katumbas ng minimum wage sa lugar.

Sa kasalukuyan ay nakatatanggap lang ng honorarium na P1,000 kada buwan ang mga kapitan ng barangay, samantalang P600 naman ang sa mga konsehal, ingat-yaman at kalihim.

(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,