Recruiter ni Mary Jane Veloso, mahaharap sa patong-patong na kaso

by dennis | April 27, 2015 (Monday) | 2729
File photo
File photo

Kinumpirma ni Justice Sec. Leila De Lima na naisumite na sa prosekusyon ng NBI-Anti Human Trafficking Division ang recommendation for preliminary investigation sa itinuturong recruiter ni Mary Jane Veloso na si Mary Christine Pasadilla at dalawa pang kasamahan nito.

Lumabas sa initial findings ng NBI na nabiktima si Veloso ng illegal recruitment at estafa nang hingan siya ni Christine ng bayad na P7,000 kasama ang pagaari nitong isang tricycle at cellphone upang makakuha ng trabaho sa Malaysia bilang isang domestic Helper.

Sa pahayag ng Mary Jane, nang mapunta sila ng Malaysia noong April 2010 ay sinabi ni Christine na kailangang pumunta sila ng Indonesia upang i-meet ang isang tao at di nagtagal ay sinabing siya na lamang ang mag-isang pupunta. Wala namang dalang luggage si Mary Jane dahil ang pinadala sa kaniyang damit ay hanggang pang dalawang araw lamang.

Abril 24 naman nang ipinadala sa kaniya ng isang alias “IKE” na African national ang maleta na may lamang droga na hindi nalalaman ng biktima. Noong una umano ay nagtaka siya dahil nang suriin ang maleta ay wala naman halos laman ngunit mayroon itong kabigatan, at nang makarating na si Veloso sa Indonesia ay doon na siya nahuli ng pulisya dahil sa umano’y drug trafficking.(Jerolf Acaba/UNTV Radio)

Tags: , , , , ,