Rape at plunder, posibleng ipasok sa bagong panukala ng mga krimeng maaaring patawan ng bitay- Speaker Alvarez

by Radyo La Verdad | March 7, 2017 (Tuesday) | 3070


Hindi magdadalawang isip si House Speaker Pantaleon Alvarez na alisan ng committee chairmanship ang sinomang miyembro ng majority coalition na hindi boboto pabor sa pagpapasa sa Death Penalty Reimposition Bill.

Ito ang babala ni Speaker Alvarez sa nalalapit na nominal voting para sa pagpapasa sa 3rd and final reading ng panukala.

Nilinaw din ni Alvarez, hindi pa dito natatapos ang pagpapasa ng mga krimen na maaaring mapabilang sa mga mapaparusahan ng bitay.

Ito ang reaksyon ni Speaker Alvarez sa naging reaksyon ni Pangulong Duterte kung bakit hindi naisama ang plunder at rape sa mga probisyon ng Death Penalty Reimposition Bill.

Ayon sa house speaker plano niyang magfile ng bagong panukala upang maisama ang mga naturang krimen sa papatawan ng parusang bitay ngunit may posibilidad din aniya na maisingit na ito sa Bicam.

Sinabi naman ni Cong.Edcel Lagman na tutol sa panukala, tiyak na maidadagdag na ang mga krimen na ito sa Bicam.

Tiniyak naman ng mambabatas na patuloy nilang haharangin ang pagpapasa ng kontrobersyal na panukala.

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: , , , , ,