Posibleng senatorial candidate ng PDP Laban, ipinakilala ni Speaker Alvarez

by Radyo La Verdad | March 21, 2018 (Wednesday) | 5171

Halos linggo-linggo umiikot sa iba’t-ibang probinsya ang PDP Laban.

Libo-libong mga pulitiko na rin ang lumilipat na sa ruling party habang papalapit ng papalapit ang May 2019 midterm elections.

Kahapon, ipinakilala ni PDP Laban Secretary General at House Speaker Pantaleon Alvarez ang sampung senatorial candidate ng partido.

Ito ay sina Senate President Koko Pimentel, Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu, Oriental Mindoro Rep. Rey Umali, Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez, Presidential Secretary Harry Roque, Sec. Bong Go, Bataan Rep. Geraldine Roman, Davao City Rep. Karlo Nograles, Dating MMDA Chairman Francis Tolentino at Mocha Uson.

Agad naman giniit ng partido na hindi ito maituturing na maagang pangangampanya dahil hindi pa naman pinal ang mga nasa listahan.

Naniniwala rin si Alvarez na malaki ang maitutulong ng mabilis na paglaki ng PDP Laban sa pagpasa ng panukalang federalismo ng pangulo.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,