Pulis at militar pinagayos ang alitan sa pagitan ng 2 pamilya sa Lanao Del Sur

by Radyo La Verdad | March 10, 2021 (Wednesday) | 7810
Photo Courtesy: 82nd Infantry Battalion

Pinagitnaan at pinagtulungan na ng mga militar at pulisya na pag ayusin ang matagal nang alitan sa pagitan ng pamilya Elias at Musama sa Lanao del Sur nitong Sabado (March 6).

Ayon kay Western Mindanao Commander Lt. Gen Corleto Vinluan, Jr., nakatanggap umano ng ulat ang 82nd Infantry Battalion mula sa isang informant dahil sa armadong bangayan ng 2 pamilya sa Barangay Pindolonan at Barangay Malna sa Kapai, Lanao del Sur.

Agad namang nakipag-ugnayan ang tropa ng 82 I.B. sa PNP Kapai upang agad na maayos ang nasabing alitan ng 2 panig.

Sa ulat ng Commanding Officer ng 82 I.B. na si Lt. Col. Rafman Altre, nakumpiska sa mga ito ang mga matataas na kalibre ng baril kabilang ang isang Elisco M16A1 rifle, isang M16 Colt AR15 Model 613, isang Sniper Rifle, isang 5.56 Bushmaster Rifle kasama ang isang Grenade Launcher, isang 7.62 M14 rifle, isang Cal. 30 Carbine, isang Cal.22 Bolt Action Rifle, isang M79 Grenade Launcher, at isang Colt Cal. 45 pistol.

Sa ngayon ay pinagaayos na ang 2 pamilya at inaalam na rin mga awtoridad kung saan at kung ano ang pinagmulan ng alitan ng 2 kampo.

Samantala, nitong Mayo din ng nakaraang taon nang magkaroon ng peace covenant ang pamilya Ellias at Musama na pinagunahan din ng 82IB.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: ,