METRO MANILA – Isasagawa na ngayong araw ng Huwebes June 20 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang public hearing kaugnay ng ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na repasuhin ang minimum na arawang sahod sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), may nagpetisyon na dagdagan pa ng P750 at P597 ang kasalukuyang minimum wage sa NCR na P610.
Magsasagawa pa ng deliberasyon o tatalakayin ng wage board ang mga mapag-uusapan pagkatapos ng isasagawang pagdinig.
Inaasahan na magkakaroon ng positibong resulta ang review bago ang July 16, 2024 o unang anibersaryo nang itaas sa P610 ang minimum daily wage sa Metro Manila.
Muli namang nilinaw ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na hindi siya makikialam kung ano man ang maging desisyon ng wage board.