METRO MANILA – Nagbabala ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa publiko laban sa kumakalat sa social media na mga nag-aalok ng serbisyong “padukot kasal” o “deletion of marriage”.
Sa pahayag na inilabas nitong Lunes (Disyembre 28) ni National Statistician and Civil Registrar General, Undersecretary Dennis Mapa, sinabi ng kalihim na ang ganitong mga aktibidad ay iligal at hindi otorisado ng PSA.
Dagdag pa niya, may mahigpit na seguridad at mga protocols na ipinatutupad sa Civil Registry System database upang maiwasan ang pagbabago o pagkuha ng mga dokumento na walang pahintulot ng ahensiya.
Ang mga dokumentong kagaya ng Certificate of No Marriage (CENOMAR) ay may higit sa isang kopya na pisikal at digital, upang ma-trace at ma-verify ang pagiging totoo ng isang dokumento kung kinakailangan.
Pinapayuhan ang publiko na dumaan lamang sa legal na paraan ng annulment sa halip na makipag-ugnayan sa mga nagbibigay ng mga serbisyong iligal.
Nagbabala din ang ahensya na may kaukulang parusa sa sinomang na nagsasagawa ng mga ganitong gawain na hindi naaayon sa batas.
(Raymund David| La Verdad Correspondent)
Tags: PSA