Proseso sa pagpili ng susunod na Supreme Court chief justice, sisimulan na ng JBC

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 5398

Sa botong 8 to 6 nitong Martes, pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang kanilang desisyon na nagpatalsik sa pwesto kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Kasabay na idineklara ng SC na bakante ang posisyon ng chief justice at inatasan ang Judicial and Bar Council (JBC) na madaliin ang proseso ng aplikasyon para sa nabakanteng pwesto.

Sa Lunes, nakatakdang magpulong ang JBC upang isapinal ang kabuuang proseso ng aplikasyon at nominasyon ng mga aplikante.

Sa text message ni Justice Sec. Menardo Guevarra, na isa sa ex-officio members ng JBC, sinabi nito na tiyak na matatalakay sa pulong ang pagpili ng susunod na chief justice.

Ayon naman kay Atty. Jose Mejia ng JBC, magiging mahigpit sila sa pagsala ng mga aplikante lalo na pagdating sa isyu ng SALN.

Posible rin aniyang paiksiin ang palugit sa pagtanggap nila ng mga aplikasyon.

Matapos nito, susuriin ng JBC kung pasado sa requirement ang mga aplikante at saka magsasagawa ng public interviews.

Pinakahuli ang deliberation kung saan pagbobotohan ng JBC ang shortlist na ibibigay naman kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Mayroon lamang 90 araw mula ng mabakante ang posisyon ng punong mahistrado upang makahanap ng kapalit nito.

 

( JL Asayo / UNTV News )

Tags: , ,