Proposed 2024 budget, ipapasa ng kamara sa loob ng 5 linggo – Romualdez

by Radyo La Verdad | August 11, 2023 (Friday) | 22901

METRO MANILA – Maglalaan ng 4 na Linggo ang Kamara upang talakayin ng mga komite ang P5.768-T na panukalang pondo ng pamahalaan para sa taong 2024.

Habang isang Linggo naman ang ilalaan para muli itong talakayin sa plenaryo.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, bubusisiin nila ang panukalang pambansang pondo upang mailaan ng maayos at mapakinabangan ng taumbayan ang kanilang buwis

Sa pagdinig kahapon sa Kamara para sa 2024 proposed budget, muling na-question ang higit P10-B na ilalaang pondo para sa confidential at intelligence funds ng ilang mga ahensya ng gobyerno

Nagpakita pa si Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel ng graph na tumataas umano ang pondo at nadagdagan pa ang mga ahensya na humihingi ng confidential at intelligence funds.

Kabilang sa mga opisina ng pamahalaan na may request na intelligence at confidential funds ang Office of the President, Office of the Vice President, DepEd, Department of Agriculture, at Department of National Defense.

Samantala, napuna naman ng isang mambabatas ang P1-B tinapyas sa budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Paliwanag ng DBM, pinakamabagal kasing gumastos ng pondo ang DICT.

Ayon sa DBM, mayroon na silang rekomendasyon sa DICT upang tulungan ang ahensya na maisagawa ang mga proyektong inilalatag nito na pinaglalaanan ng pondo mula sa taumbayan.

Tags: ,