Programang Serbisyong Bayanihan, nagkaloob ng tulong sa isang ina para sa anak na may karamdaman

by Radyo La Verdad | April 24, 2020 (Friday) | 3855

METRO MANILA – Inilapit ni Raquel Biason sa programa ni Kuya Daniel Razon na Serbisyong Bayanihan sa UNTV nitong Huwebes, April 23, ang tungkol sa karamdaman ng kaniyang anak na sanggol na si Baby Kyline na agad namang natugunan.

Si Baby Kyline ay mayroon pa lamang pitong buwan at siya ay nadiagnose sa National Children’s Hospital na mayroong Congenital Central Hypoventilation kung kaya dahil dito ay magsasagawa ng Tracheosmy o operasyon sa lalamunan ng bata sa katapusan ng buwan ng Abril.

Ang daing ng ina ay matulungan sila na magkaroon ng Mechanical Ventilator upang pagkatapos maoperahan ay mailabas na ng ospital si Baby Kyline. Dahil dito, sinabi ni Kuya Daniel Razon, ang host ng programang Serbisyong Bayanihan na antabayanan ni Raquel ang hinihinging tulong na magkaroon ng mechanical ventilator dahil ipapadala ito sa kaniya.

Bukod sa Mechanical Ventilator, nakapaskil sa Facebook Post ni Raquel Biason ang pangangailangan ng Tissue, Alcohol Non-Sterile, Gloves, Syringe, Sunction Cathether, Gauze, Diaper (Small), Wipes, Milk S26 Gold, Suction Machine, Oxygen Tank.

Kaya sa mga ibig tumulong ay makipag-ugnayan lamang sa Serbisyong Bayanihan upang makatulong tayo kahit sa maliit na paraan na ating magagawa.

Bago pa lumapit sina Raquel sa Serbisyong Bayanihan, may nag-initiate ng mag-fund raising para sa ventilator ni Baby Kyline at ito ay sa pangunguna ni Clara Alegria, Head ng BrandBuzz Ph at ng mga kasama nitong Mommy Vlogger at ilang celebrities.

Ang programang Serbisyong Bayanihan ni Kuya Daniel Razon ay sabayang mapapanood at mapakikinggan sa UNTV at Radyo la Verdad 1350 mula Lunes hanggang Biyernes, tuwing alas-9 ng umaga, alas-11 ng umaga at alas-4 ng hapon.

Tags: ,