Programa para sa inagurasyon ni Vice Pres. Leni Robredo, isinasapinal na

by Radyo La Verdad | June 29, 2016 (Wednesday) | 2313

LENI-ROBREDO
Bukas na ang inagurasyon ni Vice President Leni Robredo kaya puspusan na ang paghahanda ng kanyang inaugural committee para sa idaraos na programa.

Simple at maiksi ang gagawing inagurasyon sa dating Boracay mansion o ngayo’y Quezon city reception house.

Tatagal lang ito ng isang oras na sisimulan bandang alas-nueve ng umaga.

Simpleng putahe lang din ang ihahanda gaya ng sotanghon, pandesal at ilang uri ng kakanin.

Manunumpa siya sa dalawang kapitan ng barangay na sina Rolando Coner ng Punta Tarawal, Camarines Sur at Regina Celeste San Miguel ng Barangay Mariana, Quezon City.

Napili si Kapitan Coner dahil siya ang kinatawan ng pinakamahirap, pinakamaliit at pinakamalayong barangay sa Camarines Sur habang si Kapitana Regina naman ang kinatawan ng barangay kung saan naroon ang bagong opisina ni Robredo.

Matapos ang sariling oath taking, mag-a-administer rin siya ng panunumpa ng ilang lokal na opisyal at dadalo sa mga pulong bago pumunta sa inorganisang thanksgiving party sa Quezon City Memorial Circle.

(Gladys Toabi / UNTV Correspondent)

Tags: ,