Probinsya ng Sorsogon, isinailalim na sa state of calamity

by Radyo La Verdad | December 17, 2015 (Thursday) | 3426

ALLAN_STATE-OF-CALAMITY
Bukod sa probinsya ng Samar, isa rin ang lalawigan ng Sorsogon sa mga lugar kung saan nag-landfall ang bagyong Nona.

Kaya naman isa ito sa nagtamo ng matinding napinsala.

Kabilang na sa nakaramdam ng hagupit ng bagyo ang mga taga Brgy. Poblacion Puro sa bayan ng Barcelona.

Nasa 2, 541 tahanan ang nasira nang magkaroon ng 9 talampakan na storm surge sa kasagsagan ng pananalasa ni Nona.

Sa ipinalabas na partial report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council 40,896 families o katumbas sa 198,560 na indibidwal ang apektado ng bagyo.

6,939 ang nasiraan ng bahay sa 4 na bayan pa lamang ng probinsya.

Ayon kay Ariel Doctama ang PIO ng PDRRMC Sorsogon hindi pa lahat ng munisipalidad ang nakakapagpadala ng ulat dahil problema pa rin sa probinsya ang komunikasyon.

Umabot naman sa 175, 232, 984.50 pesos ang halaga ng mga napinsalang pananim sa agrikultura habang nasa 51,060,000 ang naging halaga ng mga nasirang imprastraktura.

Dahil dito nagdeklara na ng state of calamity sa probinsya.

Magkakaroon ng prize freeze sa lahat ng bilihin.

Maging sa mga gamot wala din dapat umanong magbenta ng mas mataas kumpara sa dati nitong presyo.

Ngayong hapon paguusapan ng mga opisyal ng pamahalaan ng Sorsogon ang gagawing budget allotment sa mga napinsala ng bagyo.

(Allan Manansala / UNTV Correspondent)

Tags: ,