Priority programs, projects, recovery strategies, tampok sa Pre-SONA events

by Erika Endraca | July 12, 2021 (Monday) | 6497

METRO MANILA – Isasagawa ng Duterte administration ang 4 na Pre-SONA events bago ang nakatakdang huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong buwan.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, layon nitong maipaalam sa publiko ang priority programs at projects ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga cabinet cluster system.

Gayundin ang maiulat sa taumbayan ang mga nagawa na ng administrasyon sa nakalipas na 5 taon at mga balak pang gawin sa kulang isang taong termino ng pangulo.

Kabilang din sa iuulat ang ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic at ang recovery strategies ng bansa sa epekto ng krisis.

“Kaya ginagawa natin itong pre-sona kasi hindi naman po maipasok ang lahat ng mga accomplishments sa loob lamang ng isang speech ni pangulong duterte. And this will give you a chance to also ask and interact with the cabinet secretaries.”ani Cabinet Secretary Sec. Karlo Nograles.

Isasagawa ang Pre-SONA forums na may temang “pamana ng pagbabago 2021” sa July 14 sa bohol, July 16 sa cebu, July 21 at 23 naman sa Manila.

Sa July 26, 2021 isasagawa ang ika-6 at huling SONA ni Pangulong Duterte sa batasang pambansa sa Quezon City kung saan limitado pa rin ang bilang ng pahihintulutang dumalo ng personal..

Mahigpit pa ring ipatutupad ang safety at health protocols dahil sa patuloy na pag-iral ng COVID-19 pandemic.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: