METRO MANILA – Nilinaw ng palasyo na bukas pa, September 5 magiging epektibo ang pagtatakda ng price cap sa regular at well-milled rice.
Nilinaw ito ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil matapos ianunsyo ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual nitong Biyernes , September 1 na epektibo na rin ito kaagad.
Ayon kay Sec. Garafil, magkakabisa lang ang Executive Order Number 39 pagkatapos mailathala sa mga pahayagan.
Base sa kautusan, itatakda ang halaga ng regular milled rice sa P41 kada kilo habang P45 kada kilo naman sa well milled rice.
Hindi naman kasama sa price cap ang iba pang uri ng bigas gaya ng premium rice.
Nangangamba naman ang Federation of Free Farmers na baka sa halip na makatulong ay lalo lang nitong palalain ang sitwasyon.
Tiniyak naman ng DTI na babantayan nilang mabuti ang pagpapatupad nito at sisguraduhin din na hindi mami-mislabel ang mga bigas.