Hindi lang ang presyo ng langis, bigas at iba pang pangunahing bilihin ang tumataas ngayon.
Sa probinsya ng Sorsogon, maging ang pamosong pili nuts na sa Bicol Region pangunahing matatagpuan ay nagmahal na rin. Mula sa dating 40 to 45 piso kada kilo, ngayon ay umaabot na ito ng 60 to 65 piso kada kilo.
Ayon sa ilang maliliit na negosyante ng pili, bumaba ang supply ng pili sa probinsya dahil sa maulang panahon.
Ang Sorsogon ang isa sa may pinakamalaking pinagkukunan ng pili sa buong lalawigan. At dahil mataas ang presyo ng pili mula sa supplier nito, na-oobliga ang maliit na tindahan ng pili delicacies na magpatong din ng presyo sa kanilang mga produkto.
Ayon kay Aling Lilia ng Tia Berning Pasalubong Store, sa Sorsogon City ay P3-P5 piso ang idinagdag ng kanilang produktong pili. Pero sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga produktong pili, patuloy pa rin itong tinatangkilik ng mga mamimili.
Si Mang Kokoy na isang local tourist sa Sorsogon, kahit mahal nais niya pa rin makabili ng pili na pasalubong sa kanilang pamilya pag-uwi sa Maynila.
Samantala, plano naman isama sa module ni Senate Committee on Agriculture and Food Senator Villar sa kanyang farm school program ang pagtuturo sa tamang paraan ng produksyon ng pili hanggang sa pag poproseso nito.
( Allan Manansala / UNTV Correspondent )