Presyo ng ilang gulay at agricultural products, inaasahang tataas dahil sa epekto ng Bagyong Maring

by Erika Endraca | October 18, 2021 (Monday) | 11092

METRO MANILA – Umabot na sa P1.2-B ang halaga ng mga nasirang agricultural products sa bansa matapos masira ang ilang taniman sa Northern Luzon dulot ng pananalasa ng bagyong Maring.

Nasa 42,000 magsasaka ang naapektuhan ang kabuhayan. Dahil dito, inaasahang mababawasan na rin ang supply ng mga gulay sa Metro Manila gayundin ang pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultura.

“Nakita natin ang paggalaw ng gulay dahil ito nga rin ay epekto nung nasalantang mga produce natin. Definitely, ‘pag nabawasan ang yield dahil natamaan ng bagyo ay tataas ang price points ng ating mga gulay dahil yung logistical cost ganun parin po and yet mas konti na ang nadadala sa merkado” ani DA Asec. Kristine Evangelista.

Gayunpaman, nakikipag-ugnayan na ang da sa iba pang rehiyon para sa alternatibong suplay ng gulay sa Metro Manila.

“Basically we are augmenting from different regions po to make sure na hindi masyadong magalaw ang presyo ng gulay para na rin po sa ating mga consumers dito.” ani DA Asec. Kristine Evangelista.

Siniguro naman ng DA na patuloy ang  pagbabantay sa suply ng agricultural products sa bansa upang hindi maabuso ang pagtaas ng presyo nito.

Tiniyak din ng kagawaran na may nakahandang tulong para sa mga magsasaka na naapektuhan sa nakalipas na pananalasa ng bagyong Maring

“Initially ang amin pong binibilisan para mapa-disperse na po at maibigay sa ating mga kababayang magsasaka’t mangingisda ay yung ating mga binhi at yung mga gamot para sa kanilang mga livestock, mga animals.” ani DA Asec. Kristine Evangelista.

Mayroon ding nakahandang zero interest loan para sa mga magsasaka na nais umutang ng pang-kapital kailangan lamang makipag-ugnayan sa tanggapan ng DA sa inyong lugar.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,