Paraan para ibaba ang presyo ng gulay, inirekomenda ng consumer group

by Radyo La Verdad | August 20, 2018 (Monday) | 6812

Posibleng mapababa ng mahigit 50% ang presyo ng gulay ayon sa Laban Konsyumer group.

Ayon kay Vic Dimagiba ng Laban Konsyumer group, tumataas ang presyo ng gulay dahil pitong beses na pumapatong ang presyo nito bago makarating sa mga mamimili.

Inihalimbawa ni Dimagiba ang presyo ng repolyo na nagkakahalaga lamang ng 20 pios kung bibilhin direkta sa magsasaka.

Pero dahil marami pa itong pagdadaanan, tumataas ang halaga nito pagdating sa palengke. Dagdag pa niya, papatong ng piso ang disposer sa repolyo, tatlong piso naman sa consolidator o assembler, 10 piso sa middle man, 5 piso sa wholesaler, 20 piso sa retailer at sampung pisong patong naman sa mga talipapa.

Lumalabas, ang 20 piso na repolyo, halos 60 piso na ang isa bago makarating sa mga consumer.

Sa bagong pamamaraan na inirerekomenda ng Laban Konsyumer, mula sa magsasaka dadaan sa disposer at direkta sa consumer, mawawala na ang consolidator, middle man, wholesaler, retailer at talipapa. Lalabas, maaari ng mabili ng mamimili ang isang repolyo sa halagang 21 piso na lamang.

Pero bago magawa ito, mangangailangan ang Laban Konsyumer ng mga nagnanais makiisa sa programa.

Muli namang nag-price monitoring inspection ang grupo sa mga pamilihan, naobserbahan ng grupo na hirap makasunod ang ilang mga nagtitinda ng gulay sa suggested retail price (SRP) na ipinapatupad ng DA.

Ayon sa mga nagtitinda, wala na sila masyadong kikitain kung ipipilit sa kanila na ibenta sa SRP price ang mga gulay.

Tinututulan naman ng Laban Konsyumer ang planong importasyon ng pamahalaan dahil hindi ito ang solusyon upang mapababa ang presyo ng gulay.

Nauna nang sinabi ng DTI at DA na mag-iimport ang bansa ng gulay at isda upang maibsan ang tumataas na presyo nito.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,