Presyo ng ilang bilihin, nagsimula nang bumaba dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo

by Radyo La Verdad | November 30, 2018 (Friday) | 13940

Malaki na ang ibinaba sa presyo ng ilang bilihin.

Sa Kamuning Market, kapansin-pansin ang pagbaba sa presyo ng mga gulay. Ang patatas na dating 120, 90 piso na lamang ngayon ang kada kilo; ang sayote na noon ay 70 piso, 50 piso na lang per kilo; ang sibuyas na 120 piso kilo dati, ngayon  ay 90 piso na lang.

Kamatis na 100 kada kilo, mabibili na lang sa halagang 60 piso; ang bawang at talong na 100 kada kilo noon, nabawasan na ng 20 piso.

Ang carrots na dati ay 120, 70 na lamang; ang kalamansi ay nagmura na ng 10 piso mula sa dating presyo na 100 piso kada kilo at ang siling labuyo, mabibili na sa 10 piso ang anim na piraso mula sa dating 40 piso. Maging ang ampalaya, pechay-Baguio, repolyo at luya ay bagsak presyo na rin.

Ayon sa mga nagtitinda sa palengke, malaki ang naitulong ng sunod-sunod na rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa pagbaba ng presyo ng gulay.

Ang presyo naman ng mga bilihin sa mga supermarket, hindi rin gumalaw. Ayon sa mga supermarket owner, hindi ganoon kadali magbaba ng presyo. Bagaman hindi bumaba ang presyo ng mga naturang paninda, dumami naman ang mga promo at bargain.

Ang tip ng mga supermarket owners, samantalahin ang pagkakataon na kung saan marami ang nag-aalok ng promo at bargain sales upang makapagtipid, lalo na at target rin ng mga negosyante na makaubos ng kanilang imbentaryo bago matapos ang taon.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,