Presyo ng gulay, karne at isda, muling tataas matapos ang pananalasa ng Bagyong Ompong

by Radyo La Verdad | September 17, 2018 (Monday) | 5083

Sa bagsik ng hangin at malakas na buhos ng ulan na dala ng Bayong Ompong, nasira ang malawak na palayan at taniman ng gulay, gayundin ang mga palaisdaan  sa mga probinsyang sakop ng Central at Northern Luzon.

Sa nakaraang facebook post ni Agriculture Secretary Manny Piñol, sinabi ng kalihim na posibleng umabot sa halos pitong bilyong piso ang pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa tindi  ng bagyo.

Dahil dito, inaasahan na pahirapan na naman ang produksyon at pag-aangkat ng mga gulay sa mga lugar gaya ng Baguio, Cagayan, Cordillera, Mountain Province at iba pa.

Bago pa manalasa ang Bagyong Ompong, bumaba na ng 10 hanggang 20 piso ang bentahan ng gulay, karne at isda sa Balanga, Bataan Public Market.

Subalit sa tindi ng pananalasa ng bagyo, pinangangambahan na muli na namang tataas ang presyo ng ilang agricultural products.

Paliwanag ng Department of Finance, inaasahan na malaki ang epekto ng kalamidad sa pagbabago ng inflation rate.

Subalit umaasa rin ang ahensya na malaking tulong ang ginagawang reporma ng pamahalaan sa sistema ng pagpapataw ng buwis upang muling maibalik sa mababang presyo ang bentahan ng mga pangunahing produkto.

Ngunit noong nakaraang linggo, una nang sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na darating ang araw na hindi na magiging problema ng bansa ang pagtataas ng presyo ng gulay sa merkado dahil sa malaking taniman ng gulay sa Bukidnon.

Magsisilbi rin itong isa pang pagkukunan ng mga gulay na katulad ng nanggagaling sa Baguio City.

Kaya naman inaasahang makatutulong rin ito sa pagpapababa ng presyo ng gulay, kahit pa makaranas ng bagyo ang Northern Luzon.

Base sa pag-aaral ng DA, malamig ang klima at mataba ang lupa hindi lang sa Talakag, kundi pati na rin sa kalapit nitong mga lungsod na angkop na pagtataniman ng gulay.

Hindi rin tinatamaan ng malalakas na kalamidad gaya ng bagyo ang Bukidnon.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,