Pagsabog ng bulkan, pangmatagalan ang epekto sa mga pananim – BPI

by Radyo La Verdad | January 21, 2020 (Tuesday) | 33861
Photos from Brig. Gen. Marceliano Teofilo, 2ID ARMY and Commander

Long-term o pangmatagalan ang magiging epekto ng pagsabog ng Bulkang Taal. Pangunahin na ang idinudulot na pinsala ng ashfall sa  mga pananim at hayop o biodiversity.

Ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI), dahil sa pagkamatay ng mga insekto wala nang pollinators ang mga halaman. Ang mga insekto ay nasisilbing pollinators na kailangan upang makapag-reproduce ang isang halaman.

Halimbawa aniya rito ang malalawak na plantasyon ng kape o pinya sa mga lugar na apektado ng volcanic ash.

“Basta walang pollinator na nagpo-pollinate walang mabubuong bunga so kung walang bees walang kape, walang prutas or others wala,” ani Wilma Cuaterno, Chief, Crop Management Division, Bureau of Plant Industry.

Dahil din sa pagkamatay ng mga insekto mababawasan din ang mga decomposers na tumutulong upang matunaw  ang mga nalagalag nadahon ng halaman o mga hayop na namatay.

Kapag nawala ang ilang species ng insekto, napuputol ang tinatawag na food chain at magkaroon ng enviromental imbalance.

Binigyang diin ng Bureau of Plant Industry, malaking papel ang ginagampanan ng mga insekto sa buhay ng tao lalo na ang mga tinatawag na friendly insects.

Dagdag pa ng ahensya, kapag tuloy-tuloy na naisturbo ang mga insekto sa paligid aalis na ang mga ito.

“Maghahanap sila ng pagkain para sa kanila magma-migrate talaga sila kasi kung wala nang kakaining halaman, maghahanap sila ng mga halaman para kainin para mabuhay sila,” ayon naman kay Nestor Rivera, Entomologist, Assistant Chief, Crop Management Division, Bureau of Plant Industry.

Maari naman aniyang maglagay sila ng mga insekto sa mga apektadong lugar sa pamamagitan ng kanilang mga inaalagang species ng insekto, pero, depende pa ito sa rekomendasyon o mga pag-aaral sa pangunguna ng Department of Agriculture.

(Dante Amento)

Tags: , , ,