Presyo ng commercial rice sa ilang pamilihan, bumaba na

by Radyo La Verdad | October 3, 2018 (Wednesday) | 5047

Ramdam na ni Mang Javier ng Kamuning Market sa Quezon City ang pagbaba ng presyo ng kanyang itinitindang commercial rice.

Ayon sa kaniyang mga supplier, posibleng sa mga susunod na linggo ay mas bumaba pa ito, pero mas mabili pa rin ang NFA rice sa ngayon. Sa authorized outlet na ito ng NFA, nasa 10-15 bags ang kanilang naibebenta kada araw.

Ayon kay NFA Spokesperson Rex Estoperez, sa loob ng 2 linggo hanggang 1 buwan ay inaasahan na nila ang pagbaba ng presyo ng commercial rice.

Panahon na aniya ng anihan ngayon at dinamihan pa nila ang paglalabas ng NFA rice sa merkado.

Pero malaki pa rin aniya ang agwat ng presyo ng NFA rice at commercial rice kaya’t pinaplano ng ahensya na maglagay ng maraming outlet ng NFA rice gaya sa mga paaralan.

Ang grupo naman ng mga supermarket ay pinayagan na rin na magtinda ng NFA rice kahit na walang bayad ang kanilang lisensya.

Sa Biyernes ay uumpisahan na ang proseso ng bidding para sa 750 thousand metric tons o 15 milyong sako ng bigas na aankatin ng NFA.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,