Presyo ng bigas, pinangangambahang tumaas dahil sa paghihigpit ng export ng India

by Radyo La Verdad | September 20, 2022 (Tuesday) | 7522

METRO MANILA – Maliit man ang porsiyento ng inaangkat na bigas ng Pilipinas mula sa India ay posibleng maapektuhan pa rin ang Pilipinas sa pagkukunan nito ng imported na bigas.

Kamakailan lang ay pinagbawalan na ng India nag pag-eexport nito ng broken rice at nagpataw pa ng 20% sa ibang klase ng bigas na ibinebenta nito sa ibang bansa.

Ayon sa National Manager ng Federation of Free Farmers na si Raul Montemayor, posibleng tumaas ang presyo ng imported rice sa world market dahil mag-aagawan ngayon ng pagbili ang iba’t-ibang mga bansa at lilipat sa Vietnam at Thailand na pangunahing pinagkukunan ng Pilipinas.

Maaapektuhan aniya ang mga consumer pero posibleng maging benepisyo naman sa mga lokal na magsasaka dahil tataas din ang presyo ng kanilang aning palay.

Tumaas aniya ngayon ng nasa P3 ang gastos ng kada kilo ng palay at posibleng nasa P4.50 ang itataas ng bigas sa merkado.

Ayon naman sa Chairman ng Samahang Industriyang Agrikultura na si Rosendo So, nalagpasan na sa kabuoang inangkat ng bansa mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon ang kabuoang inangkat noong 2021.

Una ng sinabi ng Pangulong Ferdinand Marcos Junior na nais niyang paramihin ang local na produksyon para hindi na umasa sa importasyon.

Sa pagtaya naman ng Department of Agriculture, aabot sa halos 13 million metric tons ang magiging total na produksyon ng bigas ngayong taon.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,