Presyo ng bigas, inaasahang bababa simula Oktubre – NFA, DTI

by Radyo La Verdad | September 11, 2018 (Tuesday) | 3454

Aminado ang Department of Trade and Industry (DTI) na totoong tumaas ang presyo ng regular milled at well milled na bigas sa merkado.

Kaya’t tuloy ang pag-aangkat ng Pilipinas ng bigas upang mapababa ang presyo nito. Sa buwan ng Oktubre dadating ang iba pang mga aangkating bigas. Direktang ibabagsak sa merkado ang mga imported rice upang mas maging mura ang presyo sa mga mamimili.

Target ng DTI at NFA na maibalik kahit sa 39 piso kada kilo ang regular milled habang nasa 42 piso naman ang well milled. Sa isinagawang inspeksyon ng DTI at NFA sa mga warehouse ng bigas sa Bulacan, nakita na sapat ang suplay.

Kailangan lamang ang importasyon para mabalanse ang suplay lalo na at mayroon na namang paparating na bagyo sa bansa.

Ayon sa DTI at National Food Authority, tumaas ang presyo ng bigas dahil sa mataas rin naman ang kuha ng mga rice miller sa mga magsasaka.

Naging mataas naman ang bentahan mula sa mga magsasaka dahil apektado ang mga ito ng dumaang mga bagyo sa bansa.  Ngunit ang mga consumer, nananatiling NFA rice ang hanap dahil karamihan sa mga ito ay nagtitipid.

Ayon sa mga trader, hirap na silang magbenta ng commercial rice dahil mahal ito. Ang isang sako ng bigas na makukuha ng 2,100 sa mga rice miller, maaari daw maibenta ng 42 kada kilo, pero dahil kailangan pa itong ibyahe papunta dito sa Maynila, nagiging 45 na kada kilo ang bentahan ng bigas.

Samantala, pinangangambahan namang tumaas ang presyo ng bigas dahil sa paparating na bagyo ngayong linggo.

Inatasan na ng DTI at NFA ang mga rice miller na mag-stock na ng mga palay sa mga warehouse upang hindi masira ng malakas na ulan.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,