METRO MANILA – Nagikot ang mga kinatawan ng Department of Agriculture at lokal na pamahalaan ng Quezon City sa Commonwealth Market.
At batay sa inspeksyon, pasok naman sa itinakdang presyon ang tinda dito
Mula kahapon (Feb. 8) at sa loob ng 2 buwan umiiral ang price freeze kung saan hindi maaaring lumampas sa P270 ang kada kilo ng kasim o pigue at P300 naman sa liempo.
Nagdesisyon ang pamahalaan na gawin ito matapos lumagpas sa P400 ang kada kilo ng baboy sa mga nagdaang Linggo.
Ngunit ang problema, kakaunti lamang ang nagtinda kahapon (Feb 8) at ang ibang nakapagtinda ay kakaunti lang din ang kanilang nakuhang supply.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, hindi nila papayagan na magbenta ng mas mataas sa price ceiling ang mga vendor.
Ngunit sa ibang mga palenke, umaabot parin sa P330 ang presyo ng baboy batay sa monitoring ng DA.
Sa ngayon ayon sa kagawaran ay parating na ang mga baboy na galing sa mindanao at may mga dadalhin na rin dito ngayong araw mula naman sa region 4.
Sasagutin ng da ang gastos ng mga supply ng galing sa Mindanao habang ginagawan ng paraan na maibalik sa normal ang presyo ng baboy.
“We are still finding a way para ang ating hog raisers matulungan natin sila na yung kanilang farmgate bumaba ng hindi sila na luluge, number 1. Ang byahero dapat masustain nila yung negosyo nila, hindi sila dapat maluge pero merong mga interventions na kailangan to put in place at the same time ang ating tindera maintain their margins, maintain their business pero pasok sa price ceiling.” ani Department of Agriculture Asec Kristine Evangelista.
Kasama rin sa mga hakbang ng DA ay ang pagpaparami ng mga alagang baboy dahil marami na ang nabawas sa populasyon ng mga ito bunsod ng pagkalat ng african swine fever.
Pinaplano rin nilang magbigay ng subsidiya sa pagkain at iba pang input sa pagaalaga ng baboy para naman mas mababa ang presyo nito.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: Pork, Price ceiling