Preso sa Quezon City Jail, patay sa leptospirosis

by Radyo La Verdad | July 18, 2018 (Wednesday) | 3911

Isang preso ang namatay sa Quezon City Jail dahil sa leptospirosis.

Ayon kay Supt. Ermilito Moral, ang warden ng Quezon City Jail, ang preso na binawian ng buhay dahil sa sakit ay si Mark Joseph Millete, 29 anyos na nakulong noong 2017 dahil sa iligal na droga.

Ang biktima ay isinugod sa ospital noong ika-19 ng Hunyo, na-confine ng dalawang araw mula ika-21 ng Hunyo hanggang sa namatay noong noong ika-23 ng Hunyo. Noong una ay chronic liver disease ang findings ng doktor na sakit nito na sa kalaunan ay nauwi sa leptospirosis.

Ibinahagi ng warden na tumataas ang tubig ng dalawang pulgada sa paligid ng pasilidad dahil sa lakas ng ulan. Ang piitan ay napaliligiran umano ng creek at nagkakaroon ng delay ng paghupa ng tubig dahil sa problema sa drainage system nito.

Dahil dito, mas pinaigting ang weekly clean up drive at nagsagawa ng fumigation na pumuksa sa mga insekto at mga daga ang locale government unit (LGU) ng lungsod. Binigyan din ng doxycycline ang 2000 preso at 153 tauhan ng bilangguan pangontra sa sakit.

Pinaalalahanan din nito ang mga preso na agad na iulat ang anomang sintomas para masolosyunan ang problema.

Ayon sa tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), nakapagpatayo na sila ng 10 bagong pasilidad sa bansa para masolusyonan ang paglobo ng populasyon ng mga preso.

71% umano ng nakaditine ay pawang drug related offense.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

Tags: , ,