Presidential spokesperson Roque, kakausapin si Pres. Duterte kung maaari nang isapubliko ang SALN nito

by Erika Endraca | October 30, 2020 (Friday) | 13284

METRO MANILA – Muling kinwestyon ang Malakanyang kung bakit hindi nito maihayag sa publiko ang yaman Ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng paglalabas ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga senador.

Kaya upang matapos na ang usapin kaugnay ng SALN ng pangulo, personal na kakausapin ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang presidente hinggil ditto. Aniya, tatanungin niya ito kung maaari na bang ilabas sa publiko ang saln ng punong ehekutibo.

“Mag-uusap po kami ng ating president at para matapos na po itong issue na ito, ay tatanungin ko po baka naman po magbigay ng permiso ang president para isapubliko ang kaniyang saln pero wala pong itinatago ang ating president, bago po maglabas ng ganitong guidelines ang ombdusman, taon-taon naman po inilalabas ng president ang kaniyang SALN.” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Kinukwestyon ang hakbang ng presidenteng palawigin ang task force na mag-iimbestiga sa katiwalian sa gobyerno gayung hindi umano maisapubliko ng presidente ang wealth declaration nito.

Sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), taong 2016 at 2017 lang naisapubliko ang SALN ng presidente subalit hindi na ito available mula 2018 hanggang 2019.

Muling iginiit ng Malacañang na sumusunod lamang ang administrasyong duterte sa panuntunan ng Office of the Ombudsman kaugnay ng SALN.

“Well, kagaya ng sinabi ko po, tatanungin po natin iyan sa presidente. Kasi ang kaniyang posisyon bilang isang abogado, sundin naman ang guidelines ng ombudsman.” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,