Pres. Marcos Jr., nakipagpulong sa Filipino CEOs at economic team sa Davos, Switzerland

by Radyo La Verdad | January 17, 2023 (Tuesday) | 2359

METRO MANILA – Hindi na dapat bumalik pa sa cold war formula ang mga bansa kung saan may kinakailangang panigan sa ilalim ng impluwensya ng Soviet Union o sa Estados Unidos ang isang nasyon.

Ito ang sentro ng talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naganap na luncheon meeting kasama mga Chief-Executive-Officer ng Pilipinas at economic team sa Davos Switzerland kahapon (January 16).

Ayon sa pangulo, ang Asia Pacific Region ay dapat gumawa ng kaniyang sariling tadhana na malayo sa nagaganap na matinding geopolitical rivalry.

At may kasunduan na aniya ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) member economies na hindi papaimpluwensiya sa cold war mentality.

Kabilang sa mga business tycoon na nakapulong ng pangulo sa Davos ay sina Sabin Aboitizm Kevin Andrew Tan, Jaime Zobel de Ayala, Lance Gokongwei, Ramon Ang, Teresita Sy-Coson at Enrique Razon.

Samantala ngayong araw (Janury 17) ang pormal na pagbubukas ng 2023 World Economic Forum. Kung saan inaasahang magsasalita ang Swiss president.

Mayroon ding magaganap na strategy dialogue kasama ang economic team ng Pilipinas.

Magkakaroon rin ng bilateral meeting si Pangulong Marcos Junior sa managing director ng international monetary fund.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,