METRO MANILA – Tututok sa aspetong pang ekonomiya ang tatalakayin nina Pangulong Ferdinand Marcos Junior at United States President Joe Biden sa White House sa May 1 sa Washington DC.
Sa chance interview kay Pangulong Marcos ng media habang bumibiyahe patungong Washington, kabilang ang sitwasyon sa Indo-Pacific Region ang tatalakayin nila ni President Biden.
Ibibigay rin aniya ng Pilipinas ang posisyon nito sa nangyayaring tensyon sa rehiyon at matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino.
Bukod rito ayon kay Pangulong Marcos, makikipagpulong siya sa mga malalaking negosyante sa US na hindi niya nakaharap sa mga nakalipas niyang foreign trips.
Umaasa siya na magbubunga ito ng pamumuhunan sa Pilipinas.
Bandang alas-5 ng hapon sa Washington dumating ang delegasyon ng pangulo. At ngayong May 1 magaganap ang bilateral meeting nina PBBM at ng US president.
Susundan ito ng expanded bilateral meeting kasama ang mga miyembro ng gabinete ng 2 bansa.
Sa huling araw inaasahan ang pagharap niya sa Filipino community sa Estadod Unidos.
(Nel Maribojoc | UNTV News)