Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya magpapaliwanag sa sinomang kukuwestiyon sa anti-drug war ng pamahalaan. Ginawa ito ng Pangulo matapos na prangkahang magpahayag ng pagkabahala si Canadian Prime Minister Justin Trudeau sa isyu ng human rights violation sa bansa.
Sinagot ni Pangulong Rodrigo duterte ang tanong ng media sa kaniyang press conference kagabi sa PICC kung ano ang naging tugon nito kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau nang buksan nito ang usapin sa umano‘y extrajudicial killings sa bansa.
Ayon sa Pangulo, hindi alam ng mga banyagang tumutuligsa sa war on drugs ng administrasyon ang tunay na nangyayari sa Pilipinas. Paliwanag ng Pangulo, hindi extra judicial killings kundi ang narco-politics ang tunay na problema ng Pilipinas.
Samantala, sinabi naman ng Pangulo na “moving forward” na ang relasyon ng U.S. at Pilipinas habang naninindigan pa rin itong hindi tatanggap ng tulong sa European Union hanggat nakekealam ito sa war on drugs sa bansa.
( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )
Tags: Anti-drug war, Canadian Prime Minister Justin Trudeau, Pres. Duterte